Ebanghelyo: Mt 11: 28-30
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
May mga pagkakataon sa buhay nating mga tao na tayo ay nakakaranas ng pagod hindi lamang sa ating katawan, pati na rin sa ating kaluluwa o espiritu. May mga karanasan tayo na nagbibigay ng sakit, kirot, hapdi, at bigat sa ating puso’t damdamin. May iilan na hindi na nakayanan ng kanyang utak at puso ang hirap na naranasan, kaya bumitaw na lang sa pagkapit sa buhay. Hindi biro ang ganitong pangyayari at wala ni isa man sa atin ang may kakayahan at karapatang husgahan ang isang tao na hindi na makayanan ang matinding unos at alon ng buhay. Tanging ang Diyos lang ang Siyang tagapaghukom sa tao. Ang mga salitang binitawan ni Jesukristo sa ebanghelyo ay dapat maipahayag at maibahagi sa lahat ng mga tao, lalong-lalo na sa mga may pinagdadaanan na matinding pagsubok. Kung nanamnamin natin ang bawat salita at tayo ay magtitiwala sa pag-ibig at kalooban ng Diyos, tayo ay makakaranas ng pag-asa at lakas na ituloy ang hamon at laban ng buhay. Ang Mabuting Balita na ito ay ang buod ng awit ni Basil Valdez na pinamagatang ‘Lift Up Your Hands.’ Marami nang nakakaranas ng liwanag at kaginhawaan sa kantang ito simula pa noong ito ay maisapubliko taong 1994. Pakinggan, pag-aralan, at kantahin natin ito sa mga panahon na tayo ay sinusubok ng tadhana.
© Copyright Pang Araw-araw 2024





