Ebanghelyo: Mt 12: 46-50
Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makausap.” Sumagot si Jesus sa nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
Pagninilay
Malinaw sa ebanghelyo na para kay Jesus, ang tunay na relasyon ng tao sa Diyos na nakabatay sa pagsunod, pagtalima at pagsunod sa kalooban ng Ama (Mateo 12:48) ay mas higit pa sa anumang uri ng relasyon meron sa mundong ito. Para maintindihan natin ang katotohanang ito, mas mainam na lawakan natin ang ating pag-unawa sa konsepto ng salitang pamilya. Kung ating pagmumuni-munihan, lahat ng tao sa buong mundo ay nilikha ng Diyos at dahil dito ang lahat ay Kanyang mga anak. Subalit, hindi lahat ng tao ay tumatalima sa Kanya, at hindi lingid sa ating kaalaman na napakaraming taong nabubuhay sa mundo na hindi naniniwala sa Diyos. Ang tanging batayan ng pagiging tunay na anak ng Diyos at masasabing kasapi ng tunay na pamilya ng Diyos Ama ay ang pagsunod at paggawa ng kalooban ng Diyos na ibinunyag na ng Salita ng Diyos. Wala ng relasyong hihigit pa sa ugnayang nag-ugat sa pagtalima sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2024