Ebanghelyo: Mateo 13:44-46
“Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.
“Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.”
Pagninilay
Natagpuan mo na ba ang pinakahahanap mo? Kadalasan, ito ay iyong mga makapagbibigay sa atin ng kaligayahan at seguridad sa buhay. Minsan naman akala natin ay natagpuan na natin iyon. Pero bakit nagiging panandalian lamang ang dulot na saya at pagkatapos ay maghahanap na naman tayo? Isang katotohanan lamang ang sinasabi nito sa atin. Anumang pinakakaasam-asam nating makuha sa mundo ay sadyang panandalian lamang. Materyal man ito o relasyon, hindi pa rin tayo nakakatagpo ng kaganapan sa buhay.
Sa Ebanghelyo, dalawang tao ang ibinibigay na halimbawa. Ang isa, kahit na marami siyang ari-arian ay mayroon pa palang mas hihigit sa kung ano ang kanyang pinanghahawakan sa buhay. Ang ikalawa naman, kahit na mayroon na siyang mga mahahalagang bagay sa buhay, mayroon pa palang mas higit na mahalaga. Ito ay ang kaharian ng langit. Sino ba ang nasa langit? Sadyang hindi natin makakamtan ang tunay na kaligayahan kung hindi natin matatagpuan ang ating mga sarili sa piling ng Diyos. Balewala ang lahat kung wala naman sa atin ang Diyos. Sa Diyos, nagkakaroon tayo ng kapanatagan, kapayapaan at kapahingahan. Sikapin natin na ang lahat nang mayroon tayo ay maging daan upang ating matagpuan ang tunay na mahalaga. Ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022