Ebanghelyo: Mateo 13:47-53
Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”
At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.”
Nang matapos ni Jesus ang mga talinhagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
Pagninilay
Muling pinag-uusapan ang pagsasabatas ng death penalty. Ang sabi ay para lamang sa krimen na may kinalaman sa droga. Makailang ulit na rin itong isinusulong at ilang beses na rin nating tinututulan. Dati ay mayroon na tayong death penalty. Inalis. Ngayon ay gusto na naman ulit ibalik.
Sa ating mga pagbasa, napakagandang paalala na wala sa ating mga kamay ang ating mga buhay. Tanging Diyos lamang ang may hawak nito. May panahon para sa paghuhukom, kung saan pipiliin at ihihiwalay ang mabubuti sa mga masasama. Huwag nating kalimutan na ang Diyos ay laging nagbibigay nang pagkakataon sa tao na magbago. Kahit gaano pa kasama ang isang tao, wala tayo sa lugar upang hatulan siya. May itinakda ang Diyos para sa paghatol. Siya ang magdedesisyon kung sino ang mabuti at kung sino ang itatapon sa nagliliyab na pugon. Hindi tayo Diyos. Huwag nating pangunahan ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022