Ebanghelyo: Jn 6: 1-15
Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki. Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda – gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi ng mga tao: “Ito ngang talaga ang Propetang parating sa mundo.” At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang magisa sa bulubundukin.
Pagninilay
Si Jesus ay may kamalayan na Siya ay mas dakila pa kaysa sa mga hari at propeta ng Lumang Tipan. Batid Niya sa kanyang sarili na Siya ay may kakayahan at kapangyarihan na higit pa sa kayang gawin ng sinumang nilalang. Sa Ebanghelyo ni San Lucas 11:30-32, alam ni Jesus na mas nakahihigit pa Siya kaysa kay Haring Solomon (kumakatawan sa mga hari ng Lumang Tipan) at kay propeta Jonas (kumakatawan sa mga propeta). Kung ang propeta Eliseo ay nakapagpakain ng sandaang katao sa tulong ng dalawampung tinapay at may natira pa (2 Hari 4:42-44), mas higit pa rito ang nagawang pagpapakain ni Jesus gamit lamang ang limang tinapay at dalawang isda na dala ng isang maliit na bata. Sa himalang ito may natira pang labindalawang (12) bakol na puno ng mga pira-pirasong tinapay (Juan 6:1-15). Bagaman hindi lingid sa kamalayan at kaalaman ni Jesus, na Siya ay puno ng kapangyarihan makagawa ng mga himala, hindi Niya ikinagagalak na ang mga tao ay sumunod sa Kanya dahil sa mga kakaibang palatandaan na kaya Niyang gawin. Mas nais ni Jesus na ang mga taong kagaya natin ay manalig at sumampalataya sa Kanyang Salita at ipahayag at isabuhay ito ng sa gayon patuloy ang paglaganap ng Mabuting Balita sa mundo. Ang Kanyang pamantayan ay hindi “to see is to believe,” bagkus ay “believe and you shall see.” Mata ng taong nanalig ang nais ni Jesus at hindi mata ng agham na maniniwala lang kapag may konkretong ebidensya na.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





