Ebanghelyo: Juan 11:19-27 (o Lucas 10:38-42)
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa kanilang kapatid.
Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa pagkabuhay sa huling araw.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay siya. Hinding-hindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo.”
Pagninilay
Sa panahon ng pandemya, marami ang nakaranas mawalan ng mahal sa buhay. Mga tagpong huling pagkikita na pala nila iyon o kaya naman ay hindi na sila magkita-kita pa. Abo na at nasa isang lalagyan na nang kanilang mayakap. Nakakalungkot at talagang di maiiwasan magtanong sa Diyos kung bakit ito nangyari? Hindi madaling karanasan ang panahon ng covid-19 pandemic. Katulad ni Marta, nasasabi rin ng karamihan sa atin na kung naririto lamang si Jesus, hindi sana namatay ang kanyang kapatid o ang ating mga mahal sa buhay.
Sa tingin ko, kung paanong naunawaan ni Jesus ang nararamdaman ni Marta gayundin naman ang bawat isa sa atin na patuloy na nagdadalamhati sa pagkawala ng ating mga mahal sa buhay. Si Jesus ay nakahanda rin tayong damayan. Hindi madali ang mawalan ng isang taong inaasahan sa buhay, subalit ang tagpong ito sa Ebanghelyo ay nag-aanyaya na patuloy na lumapit kay Jesus. Hindi niya tayo iiwang nagiisa. Sa panahon ng krisis, kay Kristo tayo dapat kumapit. Tumakbo tayo sa kanya. Itanong natin lahat sa kanya. Idulog natin sa kanya ang ating mga nararamdaman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022