Ebanghelyo: Jn 11: 19-27 (o Lc 10: 38-42)
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay siya. Hinding-hindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo.”
Pagninilay
Sa isang homiliya sa Banal na Misa sa Pagtatapos ng Magaaral, nagbigay ang emeritus na obispo ng Diyosesis ng Novaliches na si Antonio R. Tobias, D.D. ng simple at magandang pormula sa mga mag-aaral. Ang buod ng kanyang pormula kung isalin sa wikang Filipino ay, “Kung nais mo na pagpapalain ang iyong buhay, magpokus ka sa Diyos. At kung nais mo na maging sumpa ang iyong buhay, magpokus ka sa sarili.” Ang sambayanang Israel at Juda ay nakaranas ng napakaraming matinding pagsubok sa kanilang kasaysayan. Sa libro ni propeta Jeremias 13:1-11 inihalintulad ang sinapit ng bayan ng Diyos sa isang sinturong linen na sira na at wala ng silbi dahil hindi nakinig ang sambayanan sa Diyos at naging taksil na mga anak na sumamba sa iba’t-ibang diyos-diyosan. Ikinubli ng Diyos ang Kanyang mukha at tinalikdan ang Kanyang bayang hinirang dahil sa kanilang kapalaluan, kayabangan, at pagtalikod sa Diyos. Ang Israel at Juda ay nakaranas ng sumpa at malamang sila din ay nakapag bitaw ng salita na kagaya ng kay Marta sa ebanghelyo ni San Juan 11:21 “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana …” Mainam sana na matuto na tayong mag pokus sa Diyos at sundin ang Kanyang kalooban upang tayo ay Kanyang pagpalain at hindi kailanman makaranas na ikubli ang Kanyang presensya at pag-ibig Niya sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





