Ebanghelyo: Mt 13: 44-46
Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.
Pagninilay
Tuwing katapusan ng buwan ng Hulyo ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Ignacio ng Loyola. Siya ang patron ng lahat ng espirituwal na retreat. Siya din ang patron ng mga Heswita, o ng Society of Jesus. Maraming naiambag si San Ignacio lalong-lalo na sa larangan ng espiritwalidad. Dalawa sa mga napamana niya ay ang Pagkilatis sa mga Espiritu (Discernment of Spirits) at ang First Principle and Foundation. Para kay San Ignacio, sa lahat ng ating ginagawa dapat ang unang dahilan ay upang sambahin, mahalin, at paglingkuran ang Diyos. Ang lahat ng gawain ng tao, para kay San Ignacio, ay dapat maging paraan upang lalong makilala at mapalapit sa Diyos at maging tulay sa Kanyang kaluwalhatian at kapurihan (Ad Majorem Dei Gloriam o AMDG na ang ibig sabihin sa wikang Ingles ay “for the greater glory of God”). Akmang-akma ang ebanghelyo ni San Mateo 13:44-46 sa espiritwalidad na ipinalaganap ni Sa Ignacio. Ang pagkilala at pagtanggap sa Diyos bilang pinaka unang prinsipyo at pundasyon ng buhay ng tao ay ang pinakamahalagang layunin ng buong buhay at pagkatao ng bawat isa. Wala ng hihigit pa rito at anumang bagay o tao ay dapat talikuran kung ito ay magiging sagabal sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024