Ebanghelyo: Mateo 13:47-53
Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging
may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinhagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
Pagninilay
“Paghihiwalayin ang mga isda.” “Naihahambing din ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anoano.” Ang pinakamahalagang tema ng pagpapahayag ni Jesus ay patungkol sa hiwaga ng “Kaharian ng Diyos”. Ginamit ang mga talinhaga tulad ng kayamanang natagpuan sa isang bukirin o mamahaling perlas na kinailangan ng ipagbili ang lahat ng ari-arian upang mabili ang lupaing iyon o ang perlas na iyon. Sa ating ebanghelyo ngayon, lambat ang ginawang larawan. Ang lambat ay may kakayahang manghuli ng ibat-ibang uri ng isda. May isdang sobra liit na kailangang ibalik sa dagat. May isda rin na hindi makakain dahil ito ay may lason. May isda rin matinik sa labas kaya hindi rin maayos na lutuin. Sa wakas ng panahon, paghihiwalayin ang mga isda. Ang iba ay itatapon lamang at ang iba ay iuuwi upang mapakinaban ng mga mangingisda. May hangganan ng buhay natin sa lupa. Ang iba ay umaabot ng pitumpo o walumpong taon, ang iba naman ay mas bata o mas matanda. Tatlong bagay ang hindi natin alam: kalian tayo mamamatay, saan at papaano tayo mamamatay. Ang sigurado lahat tayo ay papanaw sa mundong ito. Kaya anumang mabuting bagay na magagawa natin: paglilingkod, pag-aalay, pagdamay o pagpapatawad ay gawin na natin dahil minsan lang tayo daraan sa mundong ito.
© Copyright Pang Araw-araw 2025