Ebanghelyo: Lucas 24:46-53
Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa
lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Ipadadala ko naman ngayon sa inyo ang ipinangako ng aking Ama kaya manatili kayo sa lunsod hanggang mabihisan kayo ng lakas mula sa itaas.” At lumabas sila ni Jesus hanggang sa may Betania, at itinaas niya ang
kanyang mga kamay at binasbasan sila. At habang binabasbasan niya sila,
humiwalay siya sa kanila (at dinala sa langit. Sinamba naman nila siya.).
Nagbalik sila sa Jerusalem na puspos ng galak at lagi sila sa Templo na nagpupuri sa Diyos.
Pagninilay
“May langit tayong patutunguhan.” “Let it go! Let it go!” Nakakatuwang pakinggan ang aking apat na taong gulang na pamangkin na si Alie habang
inaawit ang “refrain” mula sa “Frozen”. Munti, mahina ang kanyang tinig, subalit sa aking pandinig, ito’y malakas at makapangyarihan sapagkat para akong pinapatamaan. “Ah Lord, mahirap mag let go!” Ipinagdiriwang natin sa linggong ito ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa kalangitan. Apatnapung araw na nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad. Ipinaliwanag Niya sa kanila ang Kanyang pinagdaanan ayon sa banal na kasulatan. Pinalaya Niya sila mula sa kanilang takot at pinalakas ang loob. Ipinadama Niya ang kanyang pag-ibig at tinawag silang muli. Hindi mapapantayan ang kagalakan ng mga alagad parang walang katapusan, subalit kailangang maghiwalay na naman. Kailangang mag “let go”. Sapagkat kung hindi sila mag “le-let go” hindi dadating ang Espiritu Santo. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ni San Lucas kay Teofilo ang tungkol sa pag-akyat ng Panginoon sa langit ayon sa patotoo ng mga nakasaksi na tunay itong nangyari. Pinapatunayan sa Ikalawang Pagbasa ang katotohanan na may langit tayong patutunguhan. Nauna na sa atin ang Panginoon at tanging sa pamamagitan Niya tayo makakarating sa langit nating tahanan. Ito’y pangakong ating maaasahan. Sa Ebanghelyo, handa na ang mga apostol sa kanilang misyon, kaya habang binabasbasan sila ng Panginoon, humiwalay Siya sa kanila at umakyat sa langit. Mahirap mag “let go” subalit kung hindi tayo mag “le-let go” hindi natin matatanggap ang di mapapantayang kaloob na Espiritu Santo. Kaya “Let it go! Let it go!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025





