Ebanghelyo: Marcos 11:27-33
Muli silang dumating sa Jerusalem at paglakad niya sa Templo, nilapitan siya ng mga punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at tinanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo para gawin ito?”
Sinabi naman ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.”
At nag-isip-isip sila: “Kung isa sagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kan ya?’ At paano naman natin masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya isinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nag talaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay
Para sa mga Hudyo ang awtoridad sa pagtuturo ay nakabatay sa tradisyon ng pagpapahid ng guro sa kamay ng kanyang alagad bilang tanda ng pagpasa ng tungkulin. Nais suriin ng mga Punong pari at mga Guro ng Batas kung saan nagmula ang kapangyarihan ni Jesus na magturo sa pamamagitan ng pagbitag sa kanya. Ngunit sinagot sila ni Jesus sa isang tanong tungkol kay Juan Bautista. Sa balak nilang paghuli kay Jesus, sila naman ngayon ang nahirapang sumagot sa kanya. Bagama’t may isasagot sila, di nila ito ginawa sa takot na mapahiya sa sasabihin ng mga tao. Batid nila kung saan nagmula ang kapangyarihan at katungkulan ni Jesus sa pagtuturo. Dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, hindi nila nais na tanggapin Siya. Ang balak na pagdakip kay Jesus ay nagpapakita na ang katotohanan ay laging mangingibabaw. Ang mga gawa at halimbawa ni Jesus ay saksi at patunay sa kanyang mga aral. Kung tayo ay mananatili at isasabuhay ang katotohanan, walang mga masamang balak ang mananaig sa atin. Ang katotohanan ay palaging mangi-ngibabaw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





