Ebanghelyo: Juan 3:16-18
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
Pagninilay
Isang Diyos sa tatlong persona. Ito ang buod ng ating pananampalataya at itinuturing natin na isang misteryo ang Santisima Trinidad. Bilang isang misteryo, di kailanman lubos na mauunawaan ng isip ng tao ang kabuuan nito, ngunit ninais ng Diyos na magpakilala sa pamamagitan ng tatlong persona. Bakit kailangang mayroong tatlong persona sa iisang Diyos? Sa tatlong persona, naging posible ang pagbabahagi sa pag-ibig ng Diyos. Hindi makasarili at hindi para lamang sa sarili ang pagibig ng Diyos. Sa pagpapahayag ng pananampalataya, mauunawaan natin ang katangian ng bawat persona. Sa labis na pag-ibig ng Diyos, nalikha ang sanlibutan. Sa malikhaing pag-ibig ng Diyos nalikha ang langit at lupa. Ito ay naglalarawan ng pagkamapagkaloob ng Diyos. Siya ay nagbahagi ng kanyang sarili sa sanilikha at ginawa ang tao na kawangis niya. Sa pagdaan ng panahon, naging sakim ang tao at lumabag sa utos ng Diyos. Sa kabila nito, hindi tayo pinabayaan ng Diyos. Nagpadala siya ng mga propeta upang balaan ang kanyang bayan. Nang dumating ang takdang oras ng plano ng kaligtasan, pinadala niya ang kanyang bugtong na anak na si Jesus. Natagpuan ng tao kay Jesus ang pag-ibig at awa ng Diyos. Inalay ni Jesus ang kanyang sarili para sa kaligtasan ng lahat upang mabigyan ng buhay na walang hanggan. Pagkatapos ng misyon ni Jesus, bumalik siya sa Ama ngunit di niya pinabayaan ang sangkatauhan. Pinadala niya ang Espiritu Santo, ang Tagapagtanggol, upang makasama natin at ipagpatuloy ang gawang pagliligtas ng Diyos. Patuloy ang Espiritu Santo sa pagpapabanal sa mga tao.
Ang Banal na Santatlo ang komunidad ng pag-ibig na sa tuwina’y kumikilos sa kasaysayan ng sanlibutan at nagbabahagi ng kanyang nag-uumapaw na pag-ibig. Ito rin ang ating layon bilang kanyang bayan, ang bumuo ng isang pamayanan kung saan buhay ang pag-ibig ng Diyos at ibinabahagi sa lahat. Ang Banal na Santatlo ang lumikha, nagligtas at laging nagpapabanal sa atin. Wagas ang pagibig ng Diyos sapagkat ang lahat ng nilikha ay nabuhay mula sa puso ng Diyos. Mamuhay tayo at ibahagi ang pag-ibig ng Diyos upang ang ating komunidad ay maging larawan ng Banal na Santatlo dito sa mundo. Simulan natin sa ating mga pamilya na maging sentro ang pag-ibig ng Diyos sa ating ugnayan sa isa’t-isa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





