Ebanghelyo: Juan 17:20-26
Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa ‘yo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin upang maging
isa sila gaya nang tayo’y iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako. Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.”
Pagninilay
“Manahimik, manalangin.” Minsan “feeling” mo ba na parang sasabog ka na? Yung parang bulkan ang iyong kalooban na “anytime” puputok? Nagtatalo, naghahatakan, at nagbabakbakan ang iyong isip at puso.
Samantalang ang gusto mo lang maging isa ka, maging buo. Sa Unang Pagbasa matutunghayan natin kung paanong sa gitna ng paglilitis at pag-uusig ng nagtatalu-talong mga Saduseo at Pariseo, nanatiling matatag si
Pablo sapagkat buo at magkaisa ang kanyang isip at puso. Pinalakas
pa ng Panginoon ang kanyang loob sa misyong patuloy na magpatotoo.
Sa ebanghelyo, patuloy na idinadalangin ng Panginoong Jesus na Punong pari ang kanyang mga alagad. Dalangin Niya na sila’y maging isa kung paanong Siya at ang Ama ay iisa. Panalangin ang susi sa ating pagiging isa at pagkakaisa. Sa tuwing tayo’y nananalangin at nakikipag-isa sa Diyos, nararanasan natin ang pagbubuo ng ating sabog na pagkatao. Nagiging
isa tayo at natututong makipag-isa sa Diyos at kapwa. Sa mga pagkakataon na “feeling” mo sasabog ka na, manahimik, manalangin, at sa presensya ng
Diyos ka magbuga ng sama ng loob. Tanggap ka Niya at kilala. Wait ka lang, bubuuin ka Niya at gagawing isa, kaisa Niya at ng Diyos Ama.
© Copyright Pang Araw-araw 2025