Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito,
ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.” Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
“Nagpapatuloy ang pagsulat..” Ang buhay ng tao ay isang aklat na tayo lang ang susulat. Ito rin ay mayroong simula at may katapusan. Subalit habang buhay tayo para tayong naghihintay at nag-aabang ng susunod na kabanata. Sa Unang Pagbasa matutunghayan natin ang pagpapatuloy ng makulay na kuwento ng buhay ni Pablo. Mula sa malayang pangangaral ng Mabuting Balita sa iba’t-ibang simbahan, siya ngayon ay “under house arrest”. May sundalong bantay sa kanyang bahay na inuupahan. Gayun pa
man, tuloy lang ang kanyang pangangaral. Hindi pa tapos ang kanyang kwento. Sa Unang bahagi ng ebanghelyo, gustong malaman ni Pedro kung ano ang magiging “ending” ng kuwento ni Juan pero sinabihan siya ng Panginoon na hindi pa ito tapos kaya di niya dapat pakialaman. Sa ikalawang bahagi naman, sinasabi na hindi sasapat ang isang aklat sa dami ng isusulat tungkol sa Panginoon. Nagpapatuloy nga ang pagsusulat hanggang ngayon. Hilingin natin ang biyaya na maging magpamalay sa presensiya ng Banal na Espiritung nagbibigay inspirasyon at gabay sa
pagsulat ng aklat ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa ating buhay. Pero dahil hindi pa tapos… “Papunta pa lang tayo sa exciting part.”
© Copyright Pang Araw-araw 2025