Ebanghelyo: Juan 19:25-34
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon,
tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagka-yuko ng ulo’y ibinigay ang espiritu. Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. 35 Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo.
Pagninilay
“Ang bagong Eba.” Napakahalaga ng ating ina sa ating buhay. May kasabihan na sa likod ng bawat dakilang tao ay ang kanyang dakilang ina tulad ni Sta. Monica, ina ni San Agustin, Sta. Zelie, ina ni Sta. Teresita, at
Sta. Ana, ina ng Mahal na Birheng Maria. Subalit nakakalungkot na katotohanan ngayon, na kung may mabuting ina, mayroon ding masama, katulad ng mga ina nagbebenta ng sariling anak sa prostitusyon. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin kung paanong ang pagsuway ni Eba, ang ating unang ina ay naging daan ng pagkakasala. Sa halip na akuin ang kasalanan at humingi ng tawad, sinisi pa niya ang ahas. Dahil sa pagsuway, ang walang hanggang buhay sa paraiso ay napalitan ng kamatayan. Sa
kabilang dako, matutunghayan natin kung paanong sa pagtalima sa kalooban ng Diyos at katapatan sa pagtayo sa paanan ng Krus, si Maria na Ina ni Jesus, ay naging ina ng Iglesia, ating ina. Sa araw na ito pasalamatan natin ang Diyos, habang ginugunita natin si Maria, Ina ng Iglesia. Mapalad tayo na pinagkalooban ng isang ina na gagabay, aakay, at sasamahan tayo sa ating paglalakbay bilang isang simbahang buhay. Si Maria, ang bagong Eba, tawagin natin siya, “Ave Maria.”
© Copyright Pang Araw-araw 2025