Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
“Nananabang ka na ba?” Kapag nawawala o lumalayo ang ating damdamin sa isang tao, sinasabi natin, “matabang na ang damdamin ko sa kanya.” Kapag naman nawalan tayo ng sigla sa isang gawain, sinasabi natin, “Wala na akong gana.” Sa buhay espiritwal, maraming tao ngayon ang nagdaranas ng pananabang, kawalang gana o “acedia”. Ang “acedia” ay tinatawag ding demonyo sa katanghalian o “noonday devil” ng mga monghe sa disyerto marahil dahil sa dulot nitong katamarang espiritwal. Sa Unang Pagbasa ipinahahayag ni San Pablo na ang tunay na pagsunod sa Panginoon ay hindi nakabatay sa emosyon kundi sa desisyon. Kaya hindi ito pabagobago,
hindi pana-panahon. Ito ay tapat sa lahat ng pagkakataon at panahon katulad ng katapatan Panginoon. Sa ating ebanghelyo, kung paanong ang asin ay nagbibigay lasa at nagpapasarap sa pagkain, inaanyayahan tayo na magbudbod ng asin ng kabutihan sa mundong nananabang, walang gana, at walang sigla sa buhay espiritwal. Inaanyayahan din tayong hayaang masinagan ng liwanag ng kabutihan mula sa ating mumunting ilawan ang mundong nababalot ng kadiliman. Nananabang ka ba? Nawawalan ng gana? Nawawalan ng sigla sa iyong buhay-panalangin at paglilingkod? Tanggapin ang hamon na patuloy na sumunod sa Panginoon hindi batay sa
emosyon kundi sa desisyon. Ngayon! “Now na!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025