Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalangbisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng
Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
“Alagad ng Batas.” Sakit ng ulo ng mga pariseo at guro ng batas, ang ating Panginoong Jesus. Para sa kanila, Siya ay pasaway, rebelde at kalaban ng batas. Maraming beses na nila Siyang sinita pati na ang kanyang mga “barkada” dahil sa hindi pagsunod sa mga batas ni Moises na kanilang metikulosong tinutupad. Sa kabilang dako, sakit ng ulo rin ng Panginoon ang mga pariseo at guro ng batas na walang ginawa kundi ang bantayan at
paratangan si Jesus ng walang katotohanan. Kaya nga sa ebanghelyo, pinabubulaanan ng Panginoon ang paratang na “dumating siya upang
pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta.” Hindi ito totoo. Ipapakita
niya at ituturo sa mga alagad ang mas malalim na kahulugan at mas
ganap na pagtupad ng mga batas. Mula sa mababaw na pagtupad sa
letra ng batas, dadalhin niya sila sa puso at diwa ng batas. Patutunayan ni Jesus na hindi siya kalaban ng batas kundi “alagad ng batas” ang batas ng
pag-ibig. Siya’y naparito upang bigyang kaganapan ito. Hilingin natin ang biyaya ng malalim na pag-unawa at tunay na pagsasabuhay ng batas ng pag-ibig. Ituro natin ito sa ating kapwa at magiging dakila tayo sa langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025