Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko
naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
“Sundan ang diwa ng batas.” Ang bawat batas na ipinatutupad ay may dahilan. Napakahalaga na sa pagtupad ng batas nauunawaan natin kung bakit at para saan ito nilikha. Ang batas ay tulad ng “traffic lights” sa daan. Ito ay gumagabay at nagbibigay ng ayos at direksyon sa mga sasakyan.
Pero kahit gaano kahalaga ang “traffic lights” pagdating ng “emergency” at may wang-wang ng trak ng bumbero o ambulansya, pinapadaan at pinapalampas natin sila. Ito ay dahil sa mas mahalaga at mas mataas sa batas ng daan ang “batas” na magligtas. Sa Unang Pagbasa ipinapaliwanag
ni San Pablo na ang Espiritu ng Panginoon ay nagdudulot ng kalayaan. Kanyang gawain na ipaunawa ang puso at diwa ng batas sa lahat ng tao. Kung magkagayon, maaalis ang takip sa ating isip at magiging larawan
tayo ng luwalhati ng Panginoon. Kaya sa ebanghelyo, ipinaalala ng Panginoon sa mga alagad na ang batas ay nilikha upang maging daan ng tunay na kabanalan. Hindi tulad ng kabanalan ng mga pariseo na nakabatay lang sa pagsunod sa nasusulat o letra ng batas na hindi tinitingnan ang dahilan o diwa ng batas. Hilingin natin ang biyaya na
masundan ang diwa ng batas at lumago sa tunay na kabanalan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





