Ebanghelyo: Mateo 5:27-32
Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
Pagninilay
“Magtatabas o magbubunot?” Mas madali ang magtabas ng damo kaysa maghukay at bunutin ang ugat nito. Pero, ang pagkakaiba, yung tinabas na
damo, tutubo uli bukas, makalawa, pero yung hinukay at binunot ang ugat tuluyang mamamatay “as in goodbye.” Ganito rin sa ating buhay espiritwal. Marami sa atin ang nagtatabas o gumagawa ng paraan para sa panlabas na pagbabago ng ating mga adiksyon, kompulsyon, mga kinagawian at paboritong kasalanan. Konting pagpipigil…Konting pagtitiis… Konting pag-iwas… Konting pag-iingat… Pero, ilan ang nagtatangkang sususugin o alamin ang ugat nito? Sa Mabuting Balita, hinahamon tayo ng Panginoon na putulin, alisin, at itapon ang ugat ng kasalanan sapagkat kung ang ating
pakikipagtunggalian sa ating mga kasalanan ay patabas-tabas lang, tutubo at tutubo uli ito at ating uulit-ulitin. Mahirap? Totoo, pero sinasabi ni San Pablo sa Unang Pagbasa na bagamat tulad ng sisidlang putik ang ating katauhan: mahina, marupok at babasagin. Gayun pa man, taglay natin ang
di mapapantayang kayamanan, ang presensya ng Panginoon na sa puso nati’y nananahan. Ang lahat ay kaya nating pagtagumpayan sa kanyang kapangyarihan. Magtatabas ka pa o magbubunot na ng ugat? Pumili ka.
© Copyright Pang Araw-araw 2025