Ebanghelyo: Mt 5: 27-32
Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalangkatapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
Pagninilay
Hindi lang sa panahon ni Jesus mainit ang talakayang ito, hanggang ngayon sa ating panahon, mas mainit at talamak ang isyu tungkol sa pakikiapid! Ngunit sinasabi ni Jesus na mula pa lang sa pagkakaroon ng pagnanasa ay nagkakasala na ang tao. Dahil sa pagnanasa nag-uugat ang mas malalim na kasalanan nang pakikiapid, na humahantong sa hiwalayan ng mag-asawa at sumisira sa isang pamilya. Ito ay nagiging sanhi ng problema sa lipunan at simbahan. Ang bawat bahagi ng ating katawan ay dapat gamitin upang pagsilbihan ang Diyos at ang kapwa, para sa kaluwalhatian ni Jesus. Tandaan na ang ating katawan ay templo ng Espiritu Santo. Hindi dapat maging sanhi ang mga ito sa ating kapahamakan at pagkakasala. Kaya
binibigyan ni Jesus ng diin ang tamang paggamit nito, “Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024