Ebanghelyo: Mateo 5:33-37
Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.
Pagninilay
“Sinakop ng pag-ibig ng Diyos.” Ayon kay Henry Ward Beecher, isang pastor, nakilala sa pangangaral tungkol sa pagmamahal ng Diyos. “Hindi ko alam kung paanong sumamba hanggang sa matutunan kong magmahal.” Nang magpaalam si Sr. Lenie sa kanyang ama na siya’y magmomongha, sinabi ng kanyang ama, “Handa pa naman ako na ipagbili ang aking nag-iisang kalabaw para makapag “review ka at mag take ng CPA Board Exam.” Pero, buo na ang desisyon ni Sr. Lenie. Tinalikdan niya ang lahat ng ito. Sinakop siya ng pag-ibig ni Kristo. Kahangalan? Totoo! “Nakakahangal talaga pag sinakop tayo ng pag-ibig ni Kristo.” At ang mga kapwa hangal lang ang makakaunawa nito. Ito ang karanasan ni Pablo sa Unang Pagbasa. Sinakop
sya ng Pag-ibig ni Kristo, kaya naunawaan nya ang kadakilaan ng pagmamahal ng Panginoon na namatay para sa lahat upang ang mga nabubuhay ay mabuhay para sa kanya. Ang nakipag-isa sa Panginoon ay isa ng bagong nilalang at may misyon na maging embahador ng Panginoon.
Sa Mabuting Balita, makikita natin na kapag tayo’y sinakop ng pag-ibig ng Panginoon, bibiyayaan tayo ng kakayahan na makipagtipan sa kanya, maging tapat, at maninidigan sa ating sinumpaan. Sinakop ka na ba ng
Pag-ibig ni Kristo? Ano naman ang kwento ng pag-ibig mo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025