Ebanghelyo: Mateo 6:24-34
Walang makakapagsilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapababayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.
Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan ninyo ang mga ibon sa langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Langit. Di ba’t mas mahalaga kayo kaysa mga ibon?
Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan, higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong maliit ang paniniwala!
Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakanin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito; ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito. Kaya hanapin muna ninyo ang kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.
Pagninilay
Isa akong makamundong babae bago ako naging isang mongha. Hindi naging madali ang pagpapasyang ito dahil hindi madaling iwanan ang nakasanayan kong buhay. Paano kaya akong tatagal sa monasteryo kung wala ako nito o wala ako noon? Kakayanin ko kaya ang buhay na hindi maluho? Nasanay ako sa ginhawa at layaw, paano kong yayakapin ang buhay ng kakulangan at sakripisyo?
Pagkatapos ng paikot-ikot na pagtitimbang at pagmumunimuni, nagtagumpay ang grasya ng Diyos at ako’y tumugon sa Kanyang tawag. Hindi naman naging mahirap ang pakikibagay sa kakaibang uri ng pamumuhay. Para lang akong lumipat mula sa driver’s seat sa katabing passenger seat. Kung minsa’y baku-bako ang daan, madalas nama’y maayos at panatag; kung minsa’y nakakalula ang paakyat at ang mga zigzag, pero napakagaling magmaneho ni Jesus! nagawa Niyang malibang ako sa paglalakbay hanggang sa natagpuan ko na lang na ako pala’y nakakompromiso na sa Kanya. At hindi ko pinagsisihan isa mang saglit ang pagtanggap ko sa bokasyong ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022