Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitangtao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
“Huwag ipag-ingay.” Isa ako sa mga nag “re-react” sa nakasulat na “donated by” sa mga pader ng paaralan, sa mga “waiting shed” sa tabi ng daan, sa mga upuan ng simbahan, at kung saan saan. Kailangan ba talagang ilagay kung sino ang nagbigay? Kaya nga saludo ako sa isang kaibigan na tumulong sa isang pamilyang nangangailangan. Pero, kabilin-bilinan niya, huwag ipaalam kung sino ang tumulong sa kanila sapagkat galing daw sa
Diyos ang biyaya. Sa Unang Pagbasa, inaanyayahan ni San Pablo ang mga unang Kristiyano na magbigay ng may kagalakan ayon sa kakayahan, kapasyahan at hindi napipilitan lang. Ibabalik ng Diyos ang anumang ating ipinagkaloob ng kusang-loob. Sa Mabuting Balita, tinutuligsa ng Panginoon ang gawain ng mga pariseo na mahilig sa panlabas at pampublikong pag “di-display” ng kabanalan. Sa halip, tinuturuan niya ang mga alagad ng tamang “attitude” sa paglilimos, pananalangin at pag-aayuno. Huwag ipag-ingay. Huwag ipagsabi. Huwag nang “i-post” kung makakuha ng “followers” at mag “trending” ang intention. Ayaw ng Diyos ng pagbibigay kahit sa kanya ng maingay para rin yang “donated by.” Hilingin natin ang biyaya ng tunay at dalisay na pagbibigay na walang hinihintay na kapalit liban sa gantimpalang naghihintay sa atin mula sa ating Ama sa langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025