Ebanghelyo: Lucas 9:11b-17
Kaya tinanggap niya sila at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos; at pinagaling din niya ang mga nangangailangan ng lunas.
Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang Labindalawa at sinabi sa kanya: “Paalisin mo na ang mga tao para makalakad sila papunta sa mga nayon at bukid sa paligid nang makapagpahinga at humanap ng makakain. Sapagkat nasa ilang na lugar tayo rito.”
At sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Ngunit sinabi nila: “Wala kaming anuman kundi limang tinapay at dalawang isda; o baka naman kami pa ang pupunta at bibili ng pagkain para sa lahat ng taong ito?”
May mga limanlibong kalalakihan doon. Kaya sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Paupuin ninyo sila sa mga grupong tiglilimampu. Ganito nga ang kanilang ginawa at pinaupo ang lahat. At kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit at binasbasan ang mga ito, pinagpira-piraso at ibinigay sa kanyang mga alagad para ipamahagi sa mga tao. Kumain at nabusog ang lahat; at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang basket.
Pagninilay
Sa unang aklat pa lamang ng Bibliya ay ginamit na ang simbolo ng alak at tinapay. Pinapatunayan lang ang kasabihang “ang daan sa puso ng tao ay sa pamamagitan ng tiyan.” Pagkain at kwentuhan ang pinakamahalagang sangkap ng pagtititpon at anumang salusalo. Maging engrandeng handaan o simpleng meryenda, nagkakapalagayan ng loob na magkwentuhan at magbahaginan ng karanasan at buhay sa paligid ng hapag-kainan.
Taong-tao si Jesus kapag ganito ang pag-uusapan. Di ba’t tinagurian Siyang matakaw at lasenggo ng mga pumupula sa Kanya? Hindi kataka-taka na gamitin Niya ang hapag para ipagtibay ang natatangi Niyang handog sa sangkatauhan. Sa anyo ng tinapay at alak, madaling iniugnay ni Jesus ang nais Niyang iwanang pangwalang-hanggang regalo ng Kaniyang Katawan at Dugo. Walang katumbas, walang kaparis at walang hihigit pa sa kaganapan ng pagbibigay ng sarili na hatid ng handog na ito. Sinasariwa ng tinapay at alak ang sugatang laman ni Jesus na tigmak ng dugo dahil sa mga pagdurusang kusangloob Niyang tinanggap para iligtas tayo. Ginugunita rin ang Banal na Krus kung saan nabayubay at binawian ng buhay ang Katawang-lupa na nagdalang-Diyos upang itanghal ang kasukdulan ng kababaang-loob na sinuong ni Jesus para sa atin. At sa huli’y tumatanaw ito ng kagampanan ng pag-iisang – dibdib ng Diyos at ng tao sa bulwagan ng salu-salo sa langit na walang katapusan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022