Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
“Ang dalisay na pag-ibig.” Ang selos ay damdamin ng panibugho o takot na baka maagaw, makuha sa iyo, o bumaling sa iba ang taong minamahal o pinapahalagahan mo. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin ang pagseselos ni San Pablo sa mga mangangaral na “nanliligaw” sa mga taga-
Corinto, dahil sa kanyang makaamang pagmamahal sa kanila. Takot siyang maakit sila ng ibang paniniwala at talikdan ang ebanghelyo. Dala ng kanyang selos, nakipagkompetensya pa siya sa kanila sa pamamagitan ng pagmamapuri sa kanyang kakayahan at mga pinagdaanan bilang tagapangaral ng Panginoon. Kitang-kita natin na taong-tao si San Pablo. Sa kabilang dako, ipinakikita ang kalayaan ng puso at kadalisayan ng pagmamahal ng Panginoon sa mga alagad. Ipinakilala niya sa kanila ang Diyos Ama bilang kanila ring Ama. Walang selos. Walang kompetensya. Ang maka-amang pagmamahal ng tao, dahil sa hindi pa ganap at dalisay, nahahaluan pa ng selos. Pero ibang-iba ang maka-amang pagmamahal ng Diyos, ganap at dalisay. Sapagkat ang ganap na pag-ibig ay pumapawi ng lahat ng takot pati na ang takot na galing sa selos. Seloso o selosa ka ba? Hilingin mo ang biyaya na dalisayin ang iyong puso, sapagkat walang silid ang selos at takot sa dalisay na pag-ibig.
© Copyright Pang Araw-araw 2025