Ebanghelyo: Mateo 6:19-23
Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
Pagninilay
“Ingatan ang puso.” “Kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon ang iyong
puso.” Si Missy ay isang iskolar ng bayan. Nagsasakripisyo siya upang makamit ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral para sa kanyang pamilya. Sila ang kanyang kayamanan. Nasa kanila ang kanyang puso. Si Darwin ay isang seminarista. Wala siyang ibang hangad kundi ang makatugon sa tawag ng Panginoon. Siya ang kanyang kayamanan. Nasa Kanya ang puso niya. Si Bea ay isang matandang dalaga. Mahal na mahal niya ang kanyang alagang aso. Dito niya ginugugol ang kanyang panahon.
Ito ang kayamanan niya. Narito ang kanyang puso. Sa Unang Pagbasa, makikita natin na ang Panginoon at ang pangangaral ng ebanghelyo ang
kayamanan ni San Pablo. Narito ang kanyang puso. Sa Mabuting Balita inaanyayahan tayo ng Panginoon na ingatan ang ating puso. Huwag mag-ipon ng mga material na yaman na iiwan natin pag tayo’y namatay, sa halip ang ipunin ay ang yaman na madadala sa kabilang buhay. Kung nais nating malaman kung ano at sino ang ating yaman, malayin natin kung sino at ano ang laman ng ating isipan na ating pinagtutuunan at binibigyan ng atensyon, panahon at apeksyon. Nasaan ang iyong yaman? Ano at sino ang laman ng iyong puso? Sana ang Panginoon!
© Copyright Pang Araw-araw 2025