Ebanghelyo: Mateo 6:24-34
Walang makakapagsilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapababayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera. Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan ninyo ang mga ibon sa langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa
Langit. Di ba’t mas mahalaga kayo kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan, higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong maliit ang paniniwala! Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakanin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito; ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito. Kaya hanapin muna ninyo ang kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na magalala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.
Pagninilay
“Lubos na magtiwala.” Ayon kay Sta. Teresita, sa buhay-espiritwal kailangan natin na maging tulad ng isang bata, maliit at mahina subalit lubos ang pagtitiwala sa Diyos bilang Ama. Noong sanggol pa ang aking pamangkin na si Olit, hindi siya nakakatulog hangga’t hindi inaawitan ng kanyang ina ng kanyang paboritong “lullaby”, ang “Ama Namin” ni Fr. Hontiveros. At pag narinig na niya ito, mapayapa siyang nahihimlay. Sa Unang Pagbasa, pagkatapos na ipagmapuri ni San Pablo ang kanyang kakayahan, kagalingan, paghihirap, tagumpay, at pangitain bilang lingkod ng Panginoon, naliwanagan siya na wala siya talagang maipagmamapuri liban sa kanyang kahinaan. Naranasan niya na kung kailan siya mahina,
doon siya malakas, sapagkat sa kanyang kahinaan nahahayag ang kapangyarihan ng Diyos. Kaya nagpakababa si San Pablo at nagtiwala sa Panginoon tulad ng isang bata. Sa Mabuting Balita, tinuturuan tayo ng Panginoon na huwag mabalisa sa anuman. Sa halip, unahin ang Diyos at lubos na magtiwala sa kanya. Siya ay ating ama na nakababatid ng lahat at magkakaloob ng ating mga pangangailangan sa tamang panahon. Ang Diyos ay ating ama. Huwag mabahala. Lubos na magtiwala. Tulad ng aking pamangkin na si Olit, panatag na humilig sa kanyang dibdib at humimlay sa kanyang bisig .
© Copyright Pang Araw-araw 2025