Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.
Pagninilay
Sino ba sa atin ang may ayaw na makaranas ng respeto, pagkalinga at pagmamahal mula sa ibang tao? Lahat tayo ay nagnanais nito. Natatandaan ko ang isang advertisement sa telebisyon ng isang biskwit. Binigyan ng isang lalaki ang pulubi ng kalahati ng kanyang kinakaing biskwit. Hindi niya alam na ito ay isang diwata at dahil dito ay binigyan siya ng isang hiling. Humingi ang lalaki ng kotse at binigyan nga siya, ngunit kalahati rin lang ng kotse! Pinapaalalahanan tayo ng ebanghelyo na kung ano ang ating itinanim ay siya rin nating aanihin. Kung buo ang ating pagtulong sa kapwa, kung marunong tayong makipag-kapwa at kung bukas ang puso natin sa kanila, babalik ang lahat ng ito sa atin ng buong-buo. Magtatamasa tayo ng tahimik at mapayapang buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021