Ebanghelyo: Mateo 7:15-20
Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asong-gubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan?
Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.
Pagninilay
Sinasabi ng marami na kung gusto mong yumaman at magkapera, gumawa ka ng sarili mong relihiyon! Ito ang nasasaksihan natin sa mga relihiyon na ang tagapagtatag ay isang tao. Nakakalungkot isipin na nagagamit ang turo ng Diyos upang guminhawa ang buhay ng ilan. Maraming nagpapakilala na sila ay propeta o ang Diyos mismo ngunit kakilakilabot naman ang pamamaraan ng kanilang pamumuhay. Ngunit ang mensahe ng ebanghelyo ay para sa ating lahat na mananampalataya. Kahit anong relihiyon ay pwedeng pasukin ng kasamaan lalo at higit kapag pumasok na ang usapin ng pera. Alalahanin lagi natin na ang ating puno ay ang Panginoong Jesucristo at nararapat lamang na ang kanyang bunga ay maging katulad din niya. Tayo ang bunga ng Diyos at nawa ay mamuhay tayong maka-Diyos at maka-tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021