Ebanghelyo: Mateo 8:5-17
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”
Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”
At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon.
Pagpasok naman ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan ni Pedro na may lagnat at nakahiga. Hinawakan niya ito sa kamay at nawala ang lagnat nito. Kaya bumangon ito at nagsimulang maglingkod sa kanya.
Pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong inaalihan ng masasamang espiritu, at sa isang salita lamang ay napalayas niya ang mga ito. Pinagaling din niya ang mga maysakit. Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan ang ating mga karamdaman.
Pagninilay
Bago tayo mag komunyon ay lagi nating sinasambit ang katagang binitawan ng kapitan sa ating ebanghelyo: “Panginoon hindi ako karapat dapat na magpatuloy sa iyo…” Katulad ng kapitan sa kwento, bukod sa kanyang matinding pananampalataya, napakaimportante na matutunan muna natin ang kababaangloob. Sa tuwing haharap tayo sa Diyos sa ating panalangin, ano ang namumutawi sa ating bibig? Ito ba ay pag-uulat ng ating mga kabutihang nagawa? O ito muna ay ang pagbabalik-tanaw sa ating mga kahinaan bilang tao? Titibay ang ating pananampalataya sa Diyos kung nauunawaan nating mabuti ang ating katatayuan bilang mga nilikha Niya. Nawa sa ating buhay panalangin, huwag nating malimutan na tayo ay hindi perpekto kaya kinakailangan natin ang Diyos sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021