Ebanghelyo: Lucas 2:41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiri-wang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natag-puan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya.
Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.
Pagninilay
“Iningatan … sa kanyang puso.” May iba’t-ibang mukha ang ina sa lipunan. May ina na tumatayo ring ama ng tahanan dahil sa maysakit ang asawa at kailangang maghanap-buhay para sa pamilya. May inang nagdurusa dahil sa pagkamatay ng minamahal na anak. May ina na nagsasakripisyo na mangibang bansa para sa pamilya. May iba’t ibang mukha ang ina sa lipunan subalit may iisang puso, pusong nagmamahal kahit nagdurusa
tulad ng puso ng Mahal na Ina. Sa Unang Pagbasa, makikita natin ang kwento ng isang ina, si Saray. Siya ang asawa ni Abram. Kapwa sila baog subalit pinangakuan ng Diyos na magkakaanak. Dahil sa hindi siya lubos makapaniwala, si Saray ay napahalakhak. Gayunpaman, tinupad ng Panginoon ang kanyang pangako, at pinagkalooban siya ng anak. Sa ebanghelyo, matutunghayan natin ang paghuhubog nina Jose at Maria sa batang Jesus sa buhay at pananampalataya bilang Hudyo. Iningatan ni Maria at pinagnilayan ang kanyang mga karanasan sa pagpapalaki ng kanyang anak sa kanyang puso. Hilingin natin ang biyaya ng dalisay na puso tulad ni Maria. Ipadama natin at ibalik ang pagmamahal sa ating mga ina habang sila’ y buhay pa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





