Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar- Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
“Ang batong pundasyon ng Simbahan.” Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan nina San Pedro at San Pablo, ang dalawang haligi o sandigan ng Inang Simbahan. Si San Pedro ay kumakatawan sa tradisyon at pundasyon ng simbahan, samantalang si San Pablo ay kumakatawan sa kanyang misyon na ipagpatuloy ang pangangaral ng Mabuting Balita sa bawat sulok ng daigdig. Bagama’t magkaiba sa maraming bagay, sila ay pinag-isa ng pananampalataya sa Panginoong Muling Nabuhay. Sa Unang Pagbasa isinasalaysay sa Gawa ng mga Apostol ang pag-uusig, pagpatay at pagpapabilanggo sa mga Kristiyano. Si San Pedro mismo ay ibinilanggo subalit pinatakas at iniligtas ng anghel ng Panginoon. Sa Ikalawang Pagbasa, nalalapit na ang pagyao ni San Pablo. Para siyang manlalaro nakipaglaban, natapos ang takbuhan, at umaasa sa putong na korona ng kaluwalhatian. Katulad ni San Pedro, naranasan niya ang pagsagip sa kanya mula sa bunganga ng leon, kaya buo ang kanyang tiwala na ililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng masama. Sa ebanghelyo, matutunghayan natin ang pagpili ng Panginoon kay San Pedro bilang batong pundasyon ng simbahan at ang pagkakaloob ng susi ng kaharian ng langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025