Ebanghelyo: Mateo 8:18-22
Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mpahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.”
Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Pagninilay
“Iwan at talikdan ang lahat.” Ang pagsunod sa Panginoon ay tulad ng pagtawid sa kabilang ibayo o “crossing over.” Sa ating pagtawid sa kabilang ibayo, may mga tao, bagay, alaala, at dala dala na kailangan nating iwan upang makarating sa ating nais puntahan. Sa Mabuting Balita, walang “press release” ang Panginoon sa mga gustong sumunod sa kanya, sa halip sinabi nya ang katotohanan na ang pagsunod sa kanya ay “crossingover” o pagtawid mula sa pagiging “secure” patungo sa ibayo ng pagiging “insecure.” Kailangang iwan ang ating “comfort zones”. Kailangan din nating iwan ang mga tao na ating hinahawakan. Sapagkat hindi tayo makakatawid sa ibayo, kung hindi tayo handang magsakripisyo sa ating pagsunod kay Kristo. Samantala sa Unang Pagbasa, nais sanang itawid ni Abram ang mga taga Sodom at Gomorah mula sa kaparusahan patungo sa kaligtasan. Kaya nakipag “bargain” siya sa Diyos at namagitan para sa kanila. Dahil sa kanilang sukdulang kasamaan, hindi sila naitawid sa ibayong kaligtasan ni Abram. Sa ating buhay, tayo ay inaanyayahan ng Panginoon na tumawid sa kabilang ibayo, ibayong pagmamahal, ibayong pag-asa, at ibayong pananampalataya. Kailangan tayong magfocus sa
Panginoon, iwan at talikdan ang lahat ng sagabal at sumunod sa kanya. Handa ka na bang tumawid sa kabilang ibayo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025