Ebanghelyo: Mt 21: 33-43, 45-46*
Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. (…) Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pagaakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.” (…)
Pagninilay
Napakabuti ng Diyos. Mahabang pasensya ang ipinadarama Niya sa ating mga tao. Binibigyan Niya tao ng maraming pagkakataon para isiping muli at iwasan ang hindi mabubuting balak natin. Kapag tayo’y lumilihis ng landas, gumagawa Siya ng paraan para makabalik tayo sa tuwid na daan. Subalit, sa di-mabilang na mga sandali para sa ating pagbabago, maraming beses din tayong nagkukulang. Sa halip na unawain ang kapwa, lalong pinasisikip natin ang ating dibdib sa galit. Sa halip na magpakababa at humingi na patawad, lalo tayong nagmamatigas at nagpapakataas. Sa halip na pakinggan ang Kanyang tinig, sinusunod pa rin natin ang ating maling gawi. Ang pagpapadala ng hari sa kanyang mga sugo, na nabanggit sa Ebanghelyo, ay salamin ng mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos para magbago. Ang buong panahon din ng Kuwaresma ay panahon upang ibaling natin ang ating atensyon sa Diyos na punung-puno ng pagpapatawad at pangunawa. Mapalad ang mga taong bukas ang puso para sa mensahe ng Diyos na pagbabago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024