Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.
Pagninilay
Nagbabala si Jesus pagdating sa gawi ng mga Pariseo. Kapag sinabing “pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan”, nangangahulugan ito na iba ang kanilang sinasabi sa kanilang ginagawa. Kapag tayo ay inconsistent o pabago-bago o iba ang sinasabi natin sa ginagawa natin, nagkakaroon ng problema sa pagkatao natin dahil hindi ito buo. Kaya nga minsan, sumisimangot tayo kapag nalaman natin na ang isang tao ay may dalawang buhay o double life. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong kasabihan na kailangan nating gawin ang ating ipinangangaral, we should practice what we preach. Kaya naman, sa buhay natin, hangad ni Jesus na tayo ay buo. Hindi tayo dapat pabago-bago o maging doble kara. Ang pagiging isang tunay na alagad ni Jesus ay nangangahulugang dapat nating isabuhay nang buong-buo ang Kanyang mga aral at maging mabuting tao sa ating kapwa. Kapag natutunan nating isabuhay ang aral ni Jesus at maging consistent sa paggawa natin ng mabuti, doon lamang natin makakamit ang buhay na totoo at naaayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





