Ebanghelyo: Lc 11: 14-23
Minsa’y nagpapalayas si Jesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahatihati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
Pagninilay
Natutuwa ang isang taong may labis na pagpapahalaga sa kanyang kaibigan, lalo’t higit kung ito’y nagtatagumpay o nagtatamasa ng mabuting kapalaran. Subalit, kung ang isang tao nama’y naiinggit, nalulungkot siya sa tagumpay ng iba. Ang inggit na ito ang siyang sanhi ng pag-imbento ng mga kuwentong hindi totoo, masira lamang ang magandang pangalan ng ibang tao. Ganito ang karanasan ni Jesus sa harap ng mga taong tumutuligsa sa Kanya. Pinaratangan Siyang kasabwat ng masamang espiritu kahit na ang maka-Diyos Niyang kapangyarihan ang dahilan ng Kanyang pagpapalayas ng masamang espiritu. Mainam na mamuhay na mulat sa kabutihan at kakayanan ng iba. Kaya’t maging maligaya para sa kanila. Masalimuot naman ang buhay kung ang pinaiiral ay inggitan, paninira o pagsisiwalat ng mga istoryang walang basehan sa katotohanan. Walang mabuting naitutulong ang paghahangad na pabagsakin ang kapwa, lalo na sa maling pamamaraan. Sa halip, pagtuunan ng pansin ang sarili: kung paanong pag-iibayuhin ang sariling kakayanan at kung paanong makatutulong sa iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





