Ebanghelyo: Jn 12: 20-33
Ngayon, may ilang mga Griyego sa mga umahon para sumamba sa Piyesta. Kaya lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea at ipinakiusap sa kanya: “Ginoo, gusto naming makita si Jesus.” Pinuntahan at sinabihan ni Felipe si Andres. Pinuntahan naman at sinabihan nina Andres at Felipe si Jesus. Sumagot si Jesus sa kanila: “Dumating na ang oras para luwalhatiin ang Anak ng Tao. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito ngunit iingatan naman ito para sa buhay magpakailanman ng napopoot sa kanyang sarili sa mundong ito. Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama. “Ngayo’y nababagabag ang aking kaluluwa. Sasabihin ko bang ‘Ama, iligtas mo ako sa hatid ng oras na ito? Ngunit dahil dito kaya ako sumapit sa oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong Pangalan.” Kaya may tinig na nagmula sa langit: “Niluwalhati ko at muli kong luluwalhatiin.” Kaya pagkarinig ng mga taong naroon, sinabi nila: “Kumulog!” Sinabi naman ng iba: “Nangusap sa kanya ang isang anghel.” Sumagot si Jesus: “Hindi alangalang sa akin kaya ito ipinarinig kundi alang-alang sa inyo. Ngayo’y paghuhukom sa mundong ito; ngayon itataboy palabas ang pinuno ng mundong ito. At kapag itinaas ako mula sa lupa, hihilahin ko sa akin ang lahat.” Sinabi niya ito para bigyang- tanda ang uring kamatayang ikamamatay niya.
Pagninilay
Nagtitiis ng maraming hirap ang mga magulang para lamang may maitustos sa pangangailangan ng kanilang mga anak. Kahit anong sakripisyo, kaya nilang harapin alang-alang sa kanilang mga mahal sa buhay. Kapag naman sila’y tumatanda na, sinusuklian naman ng kanilang mga anak ang kanilang mga nagawa para pamilya. Sila ang sumusuporta at nag-aalaga sa kanilang mga magulang sa kanilang pagtanda. Tunay na nagmamahal ang isang tao kung inuuna niya ang iba kaysa sa kanyang sarili. O kaya niyang danasin anumang hirap sa buhay para lamang mapabuti ang kanyang minamahal. Ganyan din, at sa katunayan ay higit pa, kadakila ang pagmamahal ni Jesus sa sangkatauhan. Ipinaliwanag Niyang ang Kanyang pagmamahal ay hindi makasarili bagkus ay para sa lahat. Ang Kanyang buhay ay hindi para sa Kanya kundi kailangan Niyang mamatay para sa kaligtasan ng tanan. Ito ang kahulugan nang banggitin Niyang kailangang mamatay at mahulog sa lupa ang butil ng trigo upang ito’y mamunga. Talagang nakamamangha ang mapanligtas na pagmamahal ni Jesus. Nararapat lamang na suklian natin ito sa pamamagitan ng pagpapakita rin ng pagmamahal sa ating ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




