Ebanghelyo: Jn 8: 1-11
Pumunta naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya’y, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babaeng huling- huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus: “Guro, huling-huli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maiparatang sila sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig nama’y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” At sinabi niya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.”
Pagninilay
“Nabunutan ng tinik!” Iyan ang ating nababanggit kapag napapalitan ng katiwasayan ang dati nating mabigat na kalooban. Marahil, iyan ang naramdaman ng babaeng nahuli sa pangangalunya. Muntik na siyang mapatay ng mga tao sa pamamagitan ng pambabato sa kanya. At dahil sa pananalita ni Jesus, hindi ito natuloy. Naligtas siya sa kapahamakan at sa kamatayan. Nagpapaalaala ito sa atin na ang Diyos ay mayaman sa habag o awa. Gaano man kalaki ang pagkakasala ng tao, kung mayroon namang tunay na pagsisisi sa kanyang puso, agad itong napapatawad ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Hindi dapat kaligtaan ng kasama sa pagpapatawad ang huling tagubilin ni Jesus sa babae. Sinabi Niya, “Huwag ka nang magkasala pa.” Ang pag-iwas sa kasalanan ay ang panlabas na katunayan ng panloob na pagsisisi ng isang taong nagkasala. Kung patuloy siyang bumabalik dito, lalo’t higit kung katatanggap pa lamang niya ng pagpapatawad, marahil maituturing na hindi bukal sa puso ang kanyang pagsisisi. Samantalahin ang panibagong pagkakataon para makabawi sa pagkakamali. Huwag nang ulitin ang kasalanang nagdadala sa kahihiyan. Tanggapin ang habag ng Diyos at gawin itong instrumento ng pagbabago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




