Ebanghelyo: Mateo 1:16, 18-21, 24a (o Lucas 2:41-51a)
Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang Kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na Siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang Kanyang asawa. Matuwid nga Siya at ayaw Niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip Niya ito, napakita sa Kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya Siya naglihi, at manganganak Siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat Siya ang magliligtas sa Kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa Niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap Niya ang Kanyang asawa.
Paninilay
Iilan lamang na mga bersikulo ang nasusulat tungkol kay Jose sa ebanghelyo. Pero matindi ang kanyang gampanin sa kasaysayan ng pananampalataya. Sa kanya inihabilin ang pagtayo bilang ama ni Jesus. Alam nating hindi madali ang gampaning ito ngunit para sa isang mananampalataya, wala nang tanong tanong pa. Sa batas ng mga Judio sa Lumang Tipan, nasasaad na may parusa ang babaeng buntis na bago siya ikasal. At ganito nga ang nangyari kay Maria. Paano niya ipapaliwanag ang kanyang kalagayan? Siya lang at ang Espiritu Santo ang nakakaalam. Ipinaalam ang kalagayan ni Maria kay Jose sa pamamagitan ng isang panaginip. Nasa kay Jose na ang desisyon kung ano ang gagawin niya. Sasaluhin ba niya ang tungkuling ibinigay sa kanya? Ipagkibit balikat na lang ba niya ang mensahe sa kanya? Kung ilagay mo ang sarili mo sa kalagayan ni Jose, ikaw na bumabasa nito, tatanggapin mo ba? Mahal ni Jose si Maria kaya lang nagdadalantao na siya. Malaking kahihiyan ito kay Maria sa mata ng kanyang mga kababayan. Sa nabasa natin, nanaig ang pagmamahal ni Jose sa Panginoon at kay Maria kaya pumayag siya. Pumayag siyang itaya ang kanyang sarili para sa Diyos at para kay Maria. Ito ay para na rin kay Jesus na kanyang aalagaan. Sa pagtanggap niyang ito, nabuo ang tinatawag natin at itinuturo ng simbahan, ang Banal na Pamilya – the Holy Family. Ang tunay na pagmamahal ay laging
may kaakibat na sakripisyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020




