Ebanghelyo: Mt 1: 16, 18-21, 24a (o Lc 2: 41-51a)
Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
Kalimitan, tahimik ang mga asawang lalaki o ama ng tahanan. Sila ang matibay na tagasuporta at tagapaglaan ng pangangailangan sa kanilang pamilya. Una nilang minahal ang kanilang asawa kasunod ang kanilang mga supling. Huwaran ng pagiging asawa si San Jose. Bago niya isipin ang kanyang kapakanan, una niyang isinaalang-alang ang kabutihan ng Mahal na Birheng Maria. Pinlano niyang iwan nang lihim ang Mahal na Ina upang hindi ito mapahiya matapos niyang malamang siya’y nagdadalang-tao. Dahil sa pagtitiwala niya sa plano ng Diyos, hindi ito isinakatuparan ni San Jose. Niyakap niya ang buhay kasama ng Mahal na Birhen at ng kanyang itinuring na anak na si Jesus. Mainam na gawing ehemplo ng mga kalalakihan si San Jose. Bagama’t masalimuot ang buhay ng may-asawa, ang lahat naman ay nabibigyangsolusyon. Ang katahimikan ng isang padre de familia ang nagiging mabuting sanhi ng pagninilay kung paano mapapabuti ang kanyang minamahal. Ang pagtitiis sa gitna na katahimikan ang kanila ring kabanalan. Ang pagtanggap at pagresolba sa mga hamon at pagsubok sa tahanan ang ugat ng kanilang matibay na pagsasamahan. At, ang ugnayan nila sa Diyos ang siyang nagpapatatag sa kanila bilang asawa at ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




