Ebanghelyo: Jn 8: 51-59*
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan magpakailanman.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang mga propeta at sinasabi mong ‘Kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan magpakailanman.’ Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Abraham na namatay? Nangamatay pati ang mga propeta. Sino ka ba sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang pumupuri sa aking sarili, walang saysay ang aking papuri. Ang ama ko ang pumupuri sa akin, siya na sinasabi n’yong ‘Diyos namin.’ Hindi n’yo siya kilala pero kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad n’yo. Pero kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. Nagalak ang inyong amang si Abraham at makikita niya ang Araw ko; nakita nga niya at siya’y natuwa.” (…)
Pagninilay
Hindi naging madali para sa mga Judio na tanggpin ang turo ni Jesus tungkol sa buhay na walang hanggan at ang pag-iral Niya bago pa mabuhay
si Abraham. Iba ang kanilang pagkaunawa sa sinasabi ni Jesus. Ang iniisip nila’y ang buhay lamang dito sa daigdig na totoo namang hahantong sa kamatayan. Ang tinutukoy naman ni Jesus ay ang buhay sa kalangitan. Ang makitid nilang pagkaintindi sa pag-iral ni Jesus ay ang makatao niyang buhay, na totoong nabuhay Siya maraming taon pagkatapos mamatay si Abraham. Subalit, ang ipinaliliwanag ni Jesus ay ang pag-iral Niya bilang Ikalawang Persona ng Santisima Trinidad, ang Banal na Santatlo, bago pa ipinanganak si Abraham. Madali sana itong mauunawaan kung bukas lamang ang kanilang pag-iisip sa mga turo at paliwanag ni Jesus. Pero, dahil pinangunguhan sila ng pagtanggi kay Jesus, hindi nila ito pinaniwalaan. Nagbibigayaral din ito sa atin na bago natin tahasang salungatin ang isang aral, lalo’t higit ng Simbahang Katolika, bagama’t mahirap itong unawain, kailangan muna nating tanggapin na hindi tayo ililigaw ng Simbahan sa maling aral. Kailangan din ang masusi nating pag-aaral at pagnanais na matuto sa ating sinasampalatayanan
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




