Ebanghelyo: Juan 8:21-30
Sinabi niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; taga-itaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako taga-mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya. At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya – ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa aking ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.” Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
“Sino ka?” Ito ang tanong ng mga Hudyo kay Jesus sa Ebanghelyo. Ito rin ang tanong ng mga taong nalilito. Hindi nga lubos na nauunawaan si Jesus ng mga tao. Bilang tugon sa kanilang tanong, winika ni Jesus na: “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo malalaman na ako nga Siya.” Sa pagsasalita tungkol sa pag-angat sa Kaniya, tinutukoy ni Jesus ang sandali kung kailan siya ay itataas sa krus at sa kaluwalhatian. Ito ay hindi pagmamataas kagaya ng ginagawa ng mga Pariseo, kundi isang pahayag sa nalalapit Niyang pag-aalay ng sarili. Nalalapit na ang Semana Santa. Malapit na rin nating masaksihan ang pagkabayubay ni Jesus sa
krus. Kapag si Jesus ay naging pinakamahina sa Kaniyang pagkakapako sa krus, ihahayag ni Jesus ang Kaniyang sarili bilang ang daan patungo sa Diyos. Kapag namalas natin si Jesus na ipinako sa Krus, sa liwanag ng muling pagkabuhay ay maririnig natin ang pinakamalinaw na sagot sa tanong na “Sino ka? Ito ang pag-ibig ng Diyos na nagkatawang-tao”. Nawa’y ihanda natin ang mga sarili natin sa pag-aalay ni Jesus. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paglapit sa Diyos sa Sakramento ng Pagbabalik-loob. Mangumpisal upang madama natin ang kapatawaran at ang awa ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





