Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Ang kaganapan ngayon ay may dalawang mukha: ang pagpanaog ni Jesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang pagtugon ni Maria sa panawagan ng Anghel. Minamarkahan ng Pagkakatawangtao ni Jesus na ang Diyos ay nagkatawang-tao. Ito ang panimula ng magiging misyon ni Jesus sa mundo. Sa kabilang banda, naroon naman ang pagtugon o “fiat” ni Maria na nagpapahintulot na si Jesus ay mabuo sa kanyang sinapupunan, na pagkadaka’y hahantong sa Kaniyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ito ang magdadala ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Pinapapaalala sa atin ng Dakilang Kapistahan na ito na ang kaganapan ay isang pagtitipan o covenant – pagkakasundo ng tao at ng Diyos. Sinabi ng Anghel kay Maria: “Wala ngang imposible sa Diyos.” Kaya naman lagi nating inaalala at ipinagdiriwang ang pagkakataong ito bilang tagumpay ng Diyos sa pamamagitan ng Pagkakatawang-tao ng Kaniyang Anak. Tularan natin ang pagtugon ni Maria bilang ang unang Kristiyano, dahil kahit nang si Jesus ay darating pa lamang bilang sanggol sa kanyang sinapupunan, naniwala na siya sa dakilang kapangyarihan ng Diyos na magdadala ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Bilang ang unang mananampalatayang Kristiyano, tularan natin si Maria at papasukin natin ang biyaya ng Diyos sa ating buhay. Nawa’y gamitin nating batayan ng Diyos bilang pamantayan natin sa araw-araw nating pamumuhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





