Ebanghelyo: Juan 11:1-45
Ngayon, may isang maysakit na Lazaro ang pangalan. Taga-Betania siya, sa nayon ni Maria at ni Martang kapatid nito. Si Maria ang nagpahid ng pabango sa Pa nginoon at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa niya. At maysakit ang kapatid niyang si Lazaro.
Kaya nagsugo ang magkapatid kay Jesus para sabihin: “Panginoon, maysakit ang iyong iniibig.” Pagkarinig nito, sinabi ni Jesus: “Hindi tungo sa kamatayan ang pagkakasakit na ito kundi alang-alang sa ikaluluwalhati ng Diyos at luluwalhatiin ang Anak ng Tao sa pamamagitan nito.”
Mahal ni Jesus si Marta at ang kapatid nitong babae at si Lazaro.Ngunit pagkarinig niyang may sakit ito, dalawang araw pa siyang namalagi sa lugar na iyon. Pagkaraan lamang nito saka niya sinabi sa mga alagad: “Tayo na uli sa Judea.” Sinabi sa kanya ng mga alagad: “Rabbi, ngayon-ngayon lang eh pinagtatangkaan kang batuhin ng mga Judio, at pupunta ka uli roon?”
Pagdating ni Jesus, apat na araw na palang nakalibing si Lazaro. Malapit ang Betania sa Jerusalem, halos tatlong kilometro ang layo. Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa kanilang kapatid.
Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa pagkabuhay sa huling araw.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nana nalig sa akin kahit na mamatay siya. Hindinghindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo.”
Pagkasabi nito, umalis siya at pabulong na tinawag si Mariang kapatid niya: “Narito ang Guro at tinatawag ka.” Pagkarinig naman nito, madali itong tumindig at pumunta sa kanya. Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon kundi naroon pa kung saan siya sinalubong ni Marta. Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at nakikiramay sa kanya na nagmamadali siyang tumayo at lumabas kaya nagsunuran sila sa kanya sa pagaakalang papunta siya sa libingin upang doon humagulhol.
Pagkarating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus at pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagwika sa kanya: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Kaya nang makita ni Jesus na humahagulhol siya pati ang mga Judiong nangagsisama sa kanya, nabagabag ang loob niya at naligalig ang sarili. At sinabi niya: “Saan n’yo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya: “Panginoon, halika’t tingnan mo.” Lumuha si Jesus.
Kaya sinabi ng mga Judio: “Tingnan n’yo kung gaano ang pag-ibig niya sa kanya.” Sinabi naman ng ilan sa kanila: “Pinadilat nga niya ang mga mata ng bulag; hindi rin kaya niya magagawang huwag mamatay ang taong ito?”
Muling nabagabag ang sarili ni Jesus at dumating siya sa libingan. Isang yungib ito, at may batong nakatakip doon. Sinabi ni Jesus: “Alisin n’yo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao: “Panginoon, nanga ngamoy na siya ngayon dahil apat na araw na.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Di ba’t sinabi ko sa iyo, na kung nananalig ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” At inalis nila ang bato.
Tumingala naman si Jesus – sinabi: “Ama, pinasasalamatan kita pagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinidinig ngunit dahil sa mga taong nakapaligid kaya ako nangusap upang manalig na sila na ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi niya nito, buonglakas siyang sumigaw: “Lazaro, halika sa labas!” Lumabas ang namatay na natatalian ng telang panlibing ang mga paa at kamay, at napupuluputan din ng panyo ang mukha niya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kalagan siya nang makalakad.”
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa.
Pagninilay
Tanging ang Diyos ang makapagbibigay ng buhay. Ang pagkabuhay ni Lazaro ay hindi ang muling pagkabuhay na tinutukoy ni Jesus sa katapusan. Nabuhay muli si Lazaro ngunit muling namatay. Ngunit ang muling pagkabuhay na binabanggit ay tumutukoy sa pangako ni Jesus ng buhay na walang hanggan. Dumaan si Jesus sa kamatayan upang ipakita sa mga tao ang katotohanang Siya ay Diyos sa pamamagitan ng muling pagbabalik ng kanyang buhay.
Kahit batid ni Jesus na maibabalik nya ang buhay ni Lazaro, naranasan pa rin nya ang hinagpis bilang isang kaibigan. Tumangis siya kasama ng mga kapatid ni Lazaro. Nagpapakita ito ng kanyang tunay na pakikiisa sa ating mga karanasan bilang tao, lalo na sa panahon ng pighati at kalungkutan. Dagdag pa rito, Siya mismo ay dumanas ng kamatayan tulad ng ordinaryong tao upang ipakita na kahit isang Diyos, siya’y nakikiisa sa kalagayan ng tao hanggang kamatayan. Sa pamamagitan ng pakikiisang ito, nakikibahagi rin tayo sa kanyang Muling Pagkabuhay.
Ipagkatiwala natin sa Panginoon ang ating mga paghihirap at pighati. Manahan tayo kay Jesus sapagkat nasa kanya ang buhay na walang hanggan. Nasa kanya ang ating pagasa. Manalig at sumunod sa kanya!
© Copyright Pang Araw-Araw 2023