Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalangbisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
“Ang ating pananampalataya ay nagsisimula sa pakikinig.” Sa kanyang ministeryo, laging pinagagaling ni Jesus ang mga maysakit at nagtuturo ng Salita ng Diyos. Kung nais natin gayahin ang Panginoon, magsimula tayo sa pagpapagaling at sa pagtuturo. Konti lang sa atin ang nagtatrabaho bilang health worker, nars o doktor, o nakatanggap ng healing power. Ganun pa man, pwede pa rin tayong gumawa para sa kagalingan ng taong maysakit. Pwede rin tayong magturo ng Salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Minsan narinig ko na ang layunin ng buhay ay ang magbahagi ng kaalaman. Napakaganda at kanais-nais kung ang kaalaman na ating ibabahagi ay tungkol sa Bibliya at sa pagtuturo ng Simbahan. Nag-utos ang Panginoon sa aklat ng Deuteronomio: “Israel, dinggin mo ang mga tuntunin (…) at ituro mo ang mga ito…” Ang ating pananampalataya ay nagsisimula sa pakikinig, at mahusay natin itong maituturo kung pinagsisikapan muna nating isabuhay ang dininig. Nawa makita sa atin bilang alagad, na tayo rin ay gumagawa para sa kagalingan ng maysakit, at nagtuturo rin ng Salita ng Diyos na walang kapalit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025