Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.
Pagninilay
“Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo.” Kung mayroon mang lubos na kinakailangan ang mundo ngayon, ito ay ang kapayapaan: Kapayapaan sa Russia at Ukraine. Kapayapaan sa Israel at Palestina. Kapayapaan sa ating bansa, bayan, at barangay. Kapayapaan sa ating pamilya at sambayanan. At kapayapaan sa ating isip, puso at kaloobang puno ng pangamba. Nababatid ng Panginoon ang lahat ng ito. Kaya nga sa kanyang paglisan, kaloob nya sa kanyang mga alagad ay kapayapaan. Sapagkat alam Niya na kung may kapayapaan sila ng kalooban, mapagtatagumpayan nila ang lahat ng pagsubok at paghihirap. Sa Unang Pagbasa, huwaran sina Pablo at Bernabe sa taglay nilang kapayapaan ng Panginoon. Pagkatapos na batuhin, kaladkarin, at siraan, payapang tumindig si Pablo at nagbalik sa lunsod. Kinabukasan nagpatuloy lang sila sa kanilang misyon na parang walang nangyari. Ganyan ang mga taong tunay na mapayapa at panatag ang loob parang lantap na dagat. Mabilis at tuloy tuloy lang sa paglalakbay ang bangka ng kanilang buhay. Sa ating buhay, madali tayong maligalig at mataranta. Mabilis tayong mangamba. Madalas na ma “stress.” Sa mga pagkakataong ito, huminto tayo saglit. Huminga ng malalim. Pumasok sa ating kalooban. Damhin ang kapayapaan na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon. At tulad ni Pablo, tumindig at magpatuloy sa buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





