Ebanghelyo: Mateo 13:54-58 (o Juan 3:31-36)
Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay
“Di ba’t siya ang anak ng karpintero?” Sa Unang Pagbasa, naranasan ng mga apostol ang pag-uusig dahil sa kanilang pagsalungat sa utos ng mga nasa katungkulan na tumigil na sila sa pangangaral tungkol sa Panginoong Muling Nabuhay. Subalit batid ng mga apostol na bagama’t sa mata ng mga nasa katungkulan sila ay mga rebelde at pasaway, sila ay tumutupad at sumusunod sa mas mataas na batas, ang batas ng Diyos. Sa ebanghelyo, ang mga tao nga’y tila bulag na makita ang katotohanan tungkol kay Jesus sapagkat sinukat nila ang Kanyang pagkatao: di ba siya’y anak lamang ng isang karpintero, ni Maria, at kapatid niya sina Jaime, Jose, Simon at Judas. Sa ating pang araw araw na buhay, lalo na sa larangan ng paggawa, hinahamon tayo na manindigan at matutong sumalungat sa agos ng “illegal” at “corrupt” na sistema sa trabaho. Sa araw na ito ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ni San Jose, patron ng manggagawa kasabay ng pagdiriwang ng ating bansa ng “Labor Day” o Araw ng mga Manggagawa. Tularan natin siya sa kanyang pagiging matuwid, tahimik na paggawa, pakikinig at pagtupad sa pinakamahalagang gawain ang masundan ang kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025