Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa. Tumindig kayo, tayo na mula rito!
Pagninilay
Bawat isa ay naghahanap ng kapayapaan para sa daigdig o bayan minamahal. Ngunit minsan nakakalimutan natin na ang kapayapaan ay nagsisimula sa ating sarili. Ito ay hindi lamang natin matatamasa pagkatapos ng isang digmaan na kadalasan ay nagbubunga ng kapahamakan at kapighatian. Ngunit iba ang kapayapaan na matatagpuan natin kay Jesus. Winika niya sa kanyang mga apostol, “kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo”. Ito ay ang kapayapaan na nagbibigay ng pag-asa at kalakasan sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Kapayapaan na nagmumula sa pagmamahal ng Diyos sa atin. Kaya’t huwag tayong matakot dahil ang Diyos ay palaging nasa tabi natin. Hindi niya tayo pababayaan. Kaya mahalaga na ang kapayapaan na nagmumula kay Jesus ay ibahagi natin sa iba. Nawa’y makita sa ating buhay ang kapayapaan ni Jesus. Siya na “Prinsipe ng Kapayapaan”.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020