Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran.” Sinagot sila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Pagninilay
“Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig.” Ang Diyos ay sumusulat ng
tuwid sa liko-likong linya. Ito ay isang sinaunang kasabihan na ang kahulugan ay gaano man kabaluktot o kasama ang ating mga karanasan, kaya ng Diyos na gamitin ito para sa ating kabutihan. Sa Unang Pagbasa makikita natin kung paanong ang likolikong karanasan ng pagkamatay ni Esteban at ang pag-uusig sa mga Kristiyano ay naging dahilan ng kanilang pagsipangalat. Ang masaklap na karanasan ding ito ang naging daan upang makarating ang Mabuting Balita sa ibang lugar at maipahayag ito hindi lang sa mga Hudyo kundi pati na sa Griyego. Hindi lamang yan. Ang kanilang kalungkutan at kabiguan, sa halip na maghatid sa kanila sa depresyon ay naghatid sa kanila na magtiwala sa Panginoon na umaalalay at gumagabay sa kanila. Sila ang halimbawa ng mga tupa na sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo, na dininig ang tinig ng Mabuting Pastol at sumusunod sa kanyang paanyaya. Tapat sa Kanyang pangako, hindi sila napahamak at nagkamit ng walang hanggang buhay. Buhol-buhol ba ang tali ng iyong buhay? Liko liko ba ang iyong daan, ipagkatiwala mo sa Panginoon at susulat siya ng tuwid na liham ng kanyang mahabaging pag-ibig sa liko-likong linya ng buhay mo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025