Ebanghelyo: Mc 9: 41-50
At kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala. Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na nananalig, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg. Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. Buburuhin nga ng apoy ang lahat. Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, paano ninyo ito mapaaalat uli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay sa kapayapaan sa isa’t isa.
Pagninilay
Mabigat ang mga katagang binitawan ni Jesus sa Kanyang mg alagad upang bigyang diin at malalim na kabuluhan ang Kanyang mga turo, na nais Niyang matupad nila at ituro upang maiwasan ang impyerno. Ang katagang ginamit ni Jesus na, “putulin o gupitin”, hindi ito nangangahulugan na literal. Ngunit sa ganitong paghahambing nais ni Jesus na makita kung bakit mahalagang pagsisikapan nating makaiwas sa mga bagay na maaaring maging hadlang sa ating pagsunod sa Kanya at makamit ang pangakong buhay na walang hanggan. Nais ni Jesus na maunawaan natin na ang pagpili ng gawain sa araw-araw ng ating buhay ang magpapasya ng ating kahahantungan, lalo na sa ating buhay Kristiyano. Winika rin ni Jesus, na bilang mga Kristiyano, tayo ang asin na nagbibigay kabuluhan ng buhay sa mundo. Kung paanong nakapag-bibigay lasa ang asin sa pagkain, ganun din ang ating buhay bilang tagasunod ni Kristo. Tulad ng asin, hindi dapat mawawala ang natatanging katangian nating bilang mga Kristiyano.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024